Ang mga tao ba’y kapareha ng mga hayop? Ano ang mga pagkakapareha nila?

Sabi nila ang tao raw ay nanggaling sa hayop ayon sa mga ilang theorya ng ebolusyon. Kaya ba pati ang mga ugali ng mga tao minsan ay asal-hayop din?

May mga ilang paniniwala ang mga matatanda na may mga ilang ugali ang mga tao na nakakapareha ng mga hayop. Ilan sa mga ito ang mga katagang nakapaghahambing sa tao at hayop.

Tinatawag na “ahas” ang isang taong traydor. Naaalala ko pa dati ang kapitbahay namin na bukod sa aso ang alaga nya eh meron din syang alagang ahas. Buong manok lagi ang pinapakain ng amo sa kanyang alagang ahas. Di nagtagal muntik na syang matuklaw nito dahil nilingkis ng kanyang sariling alaga ang braso nya. Kaya tuloy nasabi ng amo sa kanyang alaga na, “Ahas ka talaga!”

Tinatawag din na “kuneho” ang isang tao na mangagamit daw. Dati ang iniisip ko kung bakit kuneho ang tawag sa taong ganito eh dahil ang kuneho eh mahilig sa seks. Kaya nga kuneho ang simbolo ng pagiging playboy raw. Pero di pala. Inihahalintulad ang taong manggagamit sa kuneho dahil ang kuneho nga naman eh gamit ng gamit ng kanyang kapareha ng walang sawa at walang permanenteng kapareha ito. At matapos mapagsawaan na ang kapareha eh iiwan na lang daw ng kuneho basta-basta. Kaya inihahalintulad ang pagiging abusado at manggagamit ng isang tao sa isang kuneho.

Tinatawag din na “baboy” ang taong marumi sa katawan. Ito alam ko ito dahil marumi naman talaga karamihan ang mga baboy at ang kulungan nito. Tinatawag din na “baboy” ang taong matapos kumain eh natutulog na agad. Sa madaling salita, ang taong tamad ay baboy rin daw.

Tinatawag din na “pusa” ang taong tamad maligo. Oo nga naman, ang mga pusa kasi eh di naliligo talaga. Dati may pusa kami sa bahay ng mga bata pa kami. Naisipan namin dati ng kapatid ko na paliguan ang alaga naming pusa at gupitan ang mga kuko nya. Naisip kasi namin na madumi na sya kaya dapat na syang linisan. At ang naging resulta eh, nagkalagnat ang alagang pusa namin at nahirapang maglakad sya. Hindi pala pwede talaga ito dahil sabi ng tita ko na beterinaryo masama daw sa pusa ang pinapaliguan dahil nababago bigla ang temperatura ng katawan nito at ang mga kuko pala nila ang nagsisilbing panlakad nila.

Ilan lamang ito sa mga katagang ikinakabit sa mga taong nag-aasal hayop. Pero ang di ko maintindihan kung bakit ang mga taong nagbebenta ng aliw na nagkalat sa lansangan ay tinatawag na “kalapating mababa ang lipad.”

Ikaw? Ikaw ba ay hayop?

__________________________________________________________________________________________

Kung nais nyong may mga matutunan tungkol sa mga iba’t ibang klase ng hayop at mga nagagawa nila sa ating buhay, maaari kayong bumisita sa mga journals ng Philippine Journal of Veterinary and Animal Sciences ng UPLB na nasa www.ejournals.ph.

Advertisements