Naiiba uli ang tema ng project blog na ito sa kadahilanang mas nagiging natural ang kwento kapag nakasaad ang mga pangyayari sa sarili nating lenggwahe.

Noong nakaraang linggo, kumuha ako ng isang pagsusulit. Nahahati ang pagsusulit na ito sa apat na kategorya: ang pakikinig, pagbabasa, pagsusulat, at pagsasalita. Dalawang araw ang pagsusulit ko, noong Biyernes at Sabado. Noong Biyernes, nauna kong kinuha ang pagsasanay sa pagsasalita. Ginanap ito sa isang kilalang hotel sa Ortigas, na wala pa ring pagbabago naligaw pa rin ako. 🙂 Wala talaga akong sense of direction kahit kelan. Dumating ako sa lugar ng aking pagsusulit ng isang oras pa bago magsimula ito. Hindi pa man natatapos ang isang oras na hihintayin ko para magsimula ang pagsusulit ko eh tinawag na ako ng proctor. Ako na daw ang susunod. Binigyan nya ako ng konting instruksyon para sa pagsusulit. Sinabihan nya ako na umupo muna sa upuang malapit sa testing room habang naghihintay na matapos ang naunang examinee sa akin. Habang naghihintay ako sa upuan ko nakita ko na ang pangalan ng magiging examiner/interviewer ko. Nakapaskil kasi ito sa pintuan. Nang mabasa ko ang pangalan nya eh napaisip na ako kung saan ko ba nakita o narinig na ang pangalan nya. Pamilyar kasi sa akin ang pangalan nya. Para bang nakilala ko na rin sya dati pa. Iniisip kong mabuti kung saan ko nga sya nakilala pero di ko maisip kung saan. Habang nag-iisip ako ay bumukas na ang pinto ng testing room at tinawag na nya ang pangalan ko. Lalong napaisip ako nang makita ko na sya. Alam ko talaga sa sarili ko na nakilala ko na sya dati pa pero di ko pa rin maisip kung saan.

Natapos na ang pagsusulit ko ay iniisip ko pa rin kung saan ko nga sya nakilala. Pero wala pa rin. Makalipas ang 2 araw ay naisip ko na rin kung saan ko sya nakilala. Sya pala ang isa sa mga nakatrabaho ko sa isang proyekto sa dati kong trabaho. Isa sya sa mga naging reviewer-consultant ko dati. At isa rin sya sa mga taong hinangaan ko sa husay nito sa kanyang field of expertise. Kaya nga naman magiging pamilyar talaga sya sa akin. Gaya ko na hindi ko na rin sya natandaan, hindi na nya rin ako natandaan noong kumuha ako ng pagsusulit sa kanya. Wala pa rin syang pinagbago, magaling at mabait pa rin ang taong ito. Hindi mo pa rin maiaalis ang ngiti nya kapag kausap mo sya. Tunay ngang kahit sino eh makapagsasabing may haplos ng isang ina si Prof. Anna Marie Oblepias.

Ang buhay nga naman, “Small World,” ika nga nila. Hindi mo talaga malalaman kung sino uli ang mga taong makikita mo lumipas man ang mahabang panahon. Kaya nga ang sabi nila, “Don’t burn bridges,” daw sa mga taong kakilala mo dahil hindi mo malalaman kung kelan mo uli sila makikita. Lagi raw ipagpatuloy ang magandang samahan sa mga taong nakakasalamuha mo.

__________________________________________________________________________________________________________________________________________________________

Dahil nabanggit sa kwento ang salitang “bridge,” mayroong isang artikulo ang Philippine E-Journals na nagpapaliwanag sa iba’t ibang kahulugan ng salitang ito. Interesado ka bang alamin kung ano ito, maaari mong i-klik ang link na ito, Spatial Trauma/Desire: A Postmodern Sociocultural Phenomenon.

Advertisements